04 August 2015

Kung Ibig Mo Akong Makilala ni Ruth Elynia S. Mabanglo



Nagkukwentuhan kaming magkakaibigan tunkgol sa pagpapakilanlan sa sarili nang mabanggit ng isang kaibigan ko ang katagang, "hubad ako roon, mula ulo hanggang paa". Tinanong ko kung naisip niya ba iyon o nahango niya sa isang maikling kwento o tula. Nakuha niya raw ito sa tula ni Ruth Mabanglo: Kung Ibig Mo Akong Makilala. Aming hinanap ito kay Google at nais kong isulat at ibahagi ito sa aking blog. 

Nakakamiss din ang panahon noong kolehiyo pa ako, sama-sama kami ng mga kaibigan kong artistic-minded na uupo sa amphitheatre ng unibersidad, nakatingin sa madilim na langit habang nakahiga sa mainit-init na semento at tiles, kung saan sumasayaw ang anino ng mga puno dahil sa mahina at malamig na hangin ng takipsilim.

Magbabasa kami ng mga tula o maikling kwento nila Danton Remoto, Vicente Groyon, Anna Luz Jacinto, Cristina Pantoja-Hidalgo, at iba pang mga manunulat ng Philippine Literature. Ramdam ko ang tuwa at sayang nababalot sa pagiging bata noon. Panahong lumipas ngunit sariwa sa aking ala-ala...


Kung ibig mo akong makilala
ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Kung ibig mo akong makilala,
lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,
ang titig kong dagat–
yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit
ng kahapon ko’t bukas.
Kung ibig mo akong makilala
sunduin mo ako sa himlayang dilim
at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil,
ibangon ako at saka palayain.
Isang pag-ibig na lipos ng lingap,
tahanang malaya sa pangamba at sumbat
may suhay ng tuwa’t ang kaluwalhati’y
walang takda–ialay mo lahat ito sa akin
kung mahal mo ako’t ibig kilalanin.
Kung ibig mo akong kilalanin,
sisirin mo ako hanggang buto,
liparin mo ako hanggang utak,
umilanlang ka hanggang kaluluwa–
hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.

No comments: