Eto na naman tayo. Same old, same old. But with something far heavier and burdensome in my heart. Ang hirap. Saan ba ako magsisimula.
Sigh.
Akala ko tapos na yung mga umagang paggising ko, may nakadagan sa dibdib ko. Akala ko tapos na yung mga araw na iiyak na lang ako bigla mapa-umaga, hapon, o gabi dahil sa lungkot at sakit na nararamdaman ko. Akala ko tapos na yung nagigising ako sa kalaliman ng gabi, nalulungkot, makararanas ng sakit, at biglang iiyak. Akala ko mabilis at madali lang ang paglaya ko mula sa nakaraan.
Hindi pala. Wala pang natatapos dito.
Marami, kung hindi, lahat nagsasabi tigilan ko na raw ito. Kumalas na ako nang tuluyan. Pigilan ko ang sariling malugmok sa kapaitan dulot ng pagkadurog ng puso. Sana nga ganun kadali. Sana ganun kadali kumalas at kalimutan ang lahat at umusad, kahit dahan-dahan, patungo sa kasiyahan at mapayapang hinaharap. Pero hindi. Punyeta.
Mahirap. Ang hirap hirap. Mahirap kalimutan at kumalas sa taong minahal mo ng higit sa pitong taon. Nasanay na kayo sa isa't-isa. Alam niyo na ang kilos at kibot ng bawat isa. Ugali, dinaramdam, mga pangarap, katauhan, alam na alam niyo na. Paano ito basta-basta na lang malilimutan?
Marami nang nagbigay ng kanilang mga payo tungkol sa dapat gawin sa ganitong sitwasyon. Sobra. Minsan nakakapagod na makinig dahil paulit-ulit ang mga sinasabi. Ako rin naman, paulit-ulit ang sinasabi at ginagawa. Sa sobrang paulit-ulit, alam ko na kung ano ang DAPAT gawin. Pero hindi ko pa rin. Hindi ko pa rin magawang sundin ang mga payo na ito. Para na akong sirang plaka. Subalit kung mayroon man akong patuloy na ginagawa upang maginhawaan ang aking pakiramdam, iyon ang pagdarasal. Araw-araw. Kumakapit ako kay Lord para bigyan niya ako ng peace, patience, at fortitude para malampasan ang mga sakit at pait na nararamdaman ko araw-araw. Humihingi rin ako ng kalinawan sa mga nangyayari. At alam mo kung ano ang naririnig kong payo ni Lord? Listen and do what you feel with your HEART. Hindi na utak. Hindi na logic. Kaya kahit na masakit, paulit-ulit nasusugatan ang puso, dahil ito ay puno ng pagmamahal, pasensya, at hindi napapagod, patuloy pa rin ang pagpursigi ko; ang pagkapit ko sa walang kasiguraduhan. Sinasabi ko na lang sa sarili kong hindi ako ilalagay ni Lord sa isang sitwasyong hindi ko kakayanin.
Sa puntong ito, kung ano ang nararamdaman ng puso ko, iyon ang ginagawa ko. Napagpasiyahan kong isugal lahat. All in. LAHAT. Kung matalo sa dulo, siguradong warak. Durog. Basag. Mahirap muling buuin. Pero ganun talaga. Kapag sobrang sadsad na, wala rin naman ibang gagawin kundi ang umahon mula sa putik at lumipad patungo sa mga bituin. Ad astra per aspera, 'ika nga. At least alam kong ginawa ko ang pinakatodo kong kayang gawin.
Ikaw na bahala, Lord. I love you.
No comments:
Post a Comment